Bagong housing project, itatayo ni Erap sa Baseco

 

Sa kanyang pagnanais na maging “slum-free” ang Maynila, magtatayong muli ng panibagong mass housing project si  Mayor Joseph “Erap” Estrada sa Baseco Compound, ang isa sa mga pinakamahihirap na komunidad sa lungsod.

Nakatakdang lumagda si Estrada sa isang partnership agreement sa Tzu Chi Foundation Philippines, Inc. para sa pinaplanong proyektong ito na tinatayang mapapakinabangan ng mahigit 100 informal settler families (ISFs).

“As long as we can, every poor, homeless family, not only in Baseco but also in other poor communities here in Manila, will be provided with decent home. This is our vision, our dream – a ‘slum-free’ Manila,” ani Estrada.

Ayon sa alkalde, isang fundamental human right ang magkaroon ng maayos at ligtas na tahanan kaya’t nararapat lang na pagtuunan ito ng pansin ng pamahalaan.

“Everyone, especially the poor, should have access to a safe, secure and habitable home with freedom from forced eviction. It is the government’s obligation to guarantee that everyone can exercise this right to live in security, peace, and dignity,” dagdag pa ni Estrada.

Sa kanilang inisyal na pag-uusap, nagkasundo ang Tzu Chi Foundation at pamahalaang lungsod na magtulungan sa pagtatayo ng bagong housing village sa Baseco, ang tahanan ng halos 60,000 na mahihirap.

Nakabase sa Taiwan, ang Tzu Chi Foundation ay ang pinakamalaking Buddhist humanitarian organization sa mundo at 22 taon nang tumutulong sa Pilipinas.

Ayon kay Danny Isiderio, hepe ng Urban Settlements Office (USO) sa city hall, may natukoy na silang isang ektaryang lupa sa Baseco na pagtatayuan ng mass housing.

“Tzu Chi is now completing all the documentary requirements. They have agreed to finance the project. Based on what has been discussed initially, walang babayaran ‘yung mga magiging beneficiaries,”ani Isiderio.

Aniya, maglalagay din dito ng paaralan, simbahan, at iba pa; bukod pa ito sa mga maaaring pagkakitaan ng mga residente.

Ayon pa kay Isiderio, malaking tulong ang proyektong ito sa sa P44.5-milyong housing village sa Sitio Dubai, Baseco na tinayo ng pamahalaang lungsod noong Pebrero 2016 sa pakikipagtulungan ng Department of Interior and Local Government (DILG)-Manila.

Umabot na sa 79 ISFs ang nabigyan ng kani-kanilang house-and-lot sa proyektong ito.

Sa pamamagitan ng usufruct, maaari nang ariin ng mga benepisaryo ang bahay at lupang binigay sa kanila, ngunit hindi nila maaari itong ibenta, iparenta, o isanla.

Urban housing ang isa sa mga prayoridad ni Estrada mula nang mahalal siya noong 2013.

Bukod sa Dubai housing project, pinatutupad din niya ang “Land-for-the-Landless Program” (LLP), kung saan bumibili ang pamahalaang lungsod, sa pamamagitan ng expropriation, ng mga pribadong lote na siya nitong pinamamahagi sa mga kwalipikadong Manilenyo.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *