Bakanteng posisyon sa Comelec, hiniling punuan na

DAPAT  hanapan na ng kapalit o papalit sa bakanteng posisyon na iiwan ni Comelec Chairman Andres Bautista maging sa iba pang butas na puwesto sa nasabing tanggapan.

Ayon kay Kabayan Party List Rep. Ron Salo, hindi lamang ang puwestong maiiwan ni Bautista kapag nagbitiw o na-impeach na ito ng tuluyan ang mababakante sa loob ng Commission on Elections.

Inihalimbawa nito ang termino nina Commissioners Arthur Lim at Christian Robert Lim na magtatapos sa Pebrero 2, 2018 o apat na buwan mula ngayon.

Dahil tatlo ang mababakanteng posisyon, kailangang mapunan ito agad upang magtuluy-tuloy ang takbo ng ahensiya at mapaghandaan ang Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Mayo ng susunod na taon.

Kapag hindi napunan ang naturang mga bakanteng puwesto pagdating ng Pebrero 2, 2018, mayroon lamang apat na sitting members ang Comelec en banc.

Niliwanag ni Salo na kapag isa sa  natitirang Comelec en banc ay nagkasakit o nagbakasyon,  mawawalan ng quorum ito na makakaapekto sa mga dinidinig nitong kaso.

Ang kapalit ni Bautista ay magsisilbi sa maiiwang unexpired term ng chairman. Si Bautista ay itinalaga na may termino hanggang Pebrero 2, 2022.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *