Bato naiyak sa Kian hearing

NAIYAK sa harap ng mga Senador si Philippine National Police (PNP) chief Bato dela Rosa kaugnay sa naging pahayag ni Senadora Risa Hontiveros na mistulang may polisiya ang gobyerno na patayin ang mga pinaghihinalaang sangkot sa iligal na droga.

“I am grieving for the majority of my men na nakataya ang buhay nila tapos i-accuse n’yo kami ng polisiya na ganun. Masakit. Masakit, your honor,” ani Dela Rosa.

Dumalo kahapon sa pagdinig ng Senate committee on public order and dangerous drugs na pinamumunuan ni Senador Panfilo Lacson si Dela Rosa kaugnay sa pagpatay kay Kian Loyd delos Santos.

“Andyan si Lord, nakikita niya. I’m willing to go back to Davao City ‘pag na-prove mo ‘yan,” patuloy niya. “You know me personally, your honor. ‘Di ako papayag na gagamitin ang pulis sa masama,” wika ni Dela Rosa.

Nabatid na ang asawa ng senadora na si Francisco Baraquel Jr., ay kaklase ni Dela Rosa sa Philippine Military Academy Class of 1986.

Tiniyak ni Dela Rosa kay Hontiveros na walang direktibang ibinibigay sa kanya si Pangulong Rodrigo Duterte na patayin ang mga drug suspect.

“Mamatay man ako, walang sinabi sa akin si Presidente na pumatay kayo nang pumatay,” ani Dela Rosa.

Matatandaang naiyak din noong nakaraang taon si Dela Rosa sa isang pagdinig ng Senado nang banggitin ni Senador Juan Miguel Zubiri ang tungkol sa pagkakasangkot ng ilang opisyal sa iligal na droga.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *