Erap sa QC: Maynila ‘di basurahan!

Tutol si Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada na magtapon ng basura ang Quezon City sa anumang bahagi ng Maynila.

Nilinaw ni Estrada na hindi pa siya nagbibigay-permiso sa sinuman na gawing alternatibong tapunan ng basura ng Quezon City ang Vitas dumpsite sa Tondo.

“Puede ba ‘yun? Wala pang permit ‘yun. Papayag ba ‘kong tambakan kami ng basura dito?” sagot ni Estrada sa suhestiyon na payagan ang Quezon City na pansamantalang magtapon sa Vitas Marine Loading Station.

“Ano, magiging basurahan kami?” dagdag pa ni Estrada.

Aniya, hindi pa niya nakakausap si Quezon City Mayor Herbert Bautista tungkol dito. “Wala, wala pa kaming agreement.”

Ayon kay Estrada, naiintindihan naman niya ang sitwasyon ngayon ng Quezon City na ngayo’y nahaharap sa garbage crisis dahil sa pagpapasara ng Payatas landfill kaya’t pag-aaralan muna nila aniya ito.

“Titignan namin. Pag-aaralan pa namin ‘yan sa konseho,” pagtitiyak ni Estrada.

Ginagamit ng Maynila na pangunahing dumpsite ang Vitas Marine Loading Station, isang garbage transfer station na tinayo sa loteng pag-aari ng National Housing Authority (NHA).

Nitong Hulyo 27, pinasara ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang Payatas landfill dahil sa peligrong dulot nito; nakatakda na ring permanenteng isara ito sa katapusan ng taon.

Tatlong pasilidad ang nirekomenda ng MMDA na maaaring tapunan ng basura ng Quezon City: ang landfills sa San Mateo at Rodriguez sa Rizal at ang Vitas transfer station; kinukunsidera rin ang Navotas-Tanza sanitary landfill sa pamamagitan ng Manila North Harbor-Pier 18.

Una nang pinanukala ni noo’y Environment Secretary Gina Lopez na tuluyan nang isara ang Payatas landfill dahil malapit ito sa La Mesa watershed, ang isa sa pinagkukunan ng tubig ng Metro Manila.

Ang Payatas sanitary landfill ay isang engineered landfill at Quezon City lang ang nagtatapon dito ng halos 2,800 tonelada ng basura kada araw.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *