Emergency Medical Services Bill ipapangalan sa intern na nagligtas sa MRT victim

 

IPAPANGALAN ng isang mambabatas ang Emergency Medical Bill sa isang medical intern dahil  sa ipinakita nitong kabayanihan nang agad niyang saklolohan ang isang babaing nawalan ng braso sa isang aksidente sa Metro Rail Transit 3 sa Ayala Station kamakailan.

Magugunita, na nahilo ang biktimang si Angeline Fernando, 24, Senior Quality Engineer sa IScale Solutions makaaang bumaba sa MRT kaya nawalan ito ng balanse at bumagsak sa riles ng tren.

Parating naman noon ang tren galing sa Ayala Station patungo sa Epifanio delos Santos Avenue nang masagasaan at tumalsik ang braso ng biktima.

Agad na sinaklolohan ni Charlie Jandic ang biktima, nilapatan ito ng first aid at isinugod sa Makati Medical Center.

Ayon kay Kabayan Representative Ron Salo, ang isinampa niya kamakailan na House Bill 4955 na naglalayon na makapagtatag ng national emergency medical services system  ay  hihilingin niya na palitan ng pangalan na “The Dr. Charlie Jandic Emergency Medical Services System Act of 2017” kapag tinalakay na sa House committee on health ang nasabing panukalang batas.

Sinabi ni Salo, na nagpakita ng kabayanihan si Jandic, isang intern sa Chinese General Hospital sa ginawa nitong mabilis na pagsaklolo sa biktima.

Ayon sa ulat, palabas na ng MRT station station si Jandic nang marinig niya ang malakas na sigawan ng mga tao.

Dahil dito, bumalik siya sa main station at nakita niya si Fernando sa riles ng tren.

Nang ilagay sa plataporma si Fernando, gumamit ng cardigan ang medical intern at kinuha ang sinturon ng pulis para i-tourniquet ito para huminto ang pagdurugo ng braso ng biktima.

Inutusan din ni Jandic ang mga naroroong tao na hanapin ang tumilapong kamay ni Fernando at hindi niya iniwan ng biktima mula sa plataporma ng MRT hanggang sa dalhin ito sa Makati Medical Center.

Ipinahayag din ni Salo sa pamunuan ng MRT 3 at sa transportation department na kilalanin din ang mga taong tumulong kay Fernando para maparangalan din ang mga ito dahil sa kanilang mabilis na pagtulong.

Kapag ang HB 4955 ay naisabatas na,  magtatatag ito ng  National Emergency Medical Services System (EMSS) na kinabibilangan ng limang  core services: emergency medical dispatch, emergency response and care, emergency transport, inter-agency referral and transport, at command and control.

Lahat din ng  local government units (LGUs)  ay kinakailangang magtatag ng isang dispatch center kung saan ang mga local ay puwedeng tumawag kapag may emergency.

Ang dispatch protocols ay ipatutupad ng health department at ng EMSS council.

Ang nasabing Saligang Batas din ay magtatatag ng isang national emergency number na kahalintulad ng 9-1-1 ng Estados Unidos.

Ipinaliwanag ni Salo na ang batas na magtatatag ng national emergency number ay titiyakin din na makakakuha ng pondo taun-taon, kahit na sino pa ang nasa kapangyarihan.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *