MGA SENADOR, UMALMA SA P1,000 CHR BUDGET

INALMAAN ng mga senador ang panukalang P 1,000 budget ng  mga kongresista para sa Commission on Human Rights (CHR) para sa taong 2018.

“Kalokohan ito,” pahayag ni  Sen. Sonny Angara.

Aniya, hindi sila papayag  sa Senado sa inaprubahan ng House na P1,000 budget para sa CHR.

“Tututulan namin nang maigi ang pag-apruba nito sa Senado kahit pa hindi maipasa ang 2018 budget at ma re-enact and 2017 budget,” dagdag pa niya.

Ipinaalala ni Angara na ang CHR ang nakadiskubre ng sikretong kulungan sa loob ng station 1 ng Manila Police District (MPD) noong Abril.

Nakakulong sa nasabing tagong kulungan ang mga tao na kinikikilan ng pera kapalit ng kalayaan nila.

“Ngayon alam na natin ano ang mangyayari sa bansa natin kapag nag cha-cha at itulak ang voting jointly na tig-isang boto lang ang mga Senador at Kongresista. Derecho na tayo sa diktadura,” pahayag pa ni Angara.

Nanindigan ang mga senador na may mandato ang CHR na imbestigahan ang mga paglabag sa karapatang pantao laban ng mga nasa katungkulan.

Nangako din si Senador Francis “Chiz” Escudero, na ipaglalaban niya na maibalik ang budget ng CHR kahit na marami ang tumututol dito.

Kamakailan, inaprubahan ng finance committee ng Senado na pinamumunuan ni Senador Panfilo Lacson ang P 678- budget ng CHR para sa taong 2018.

Kabilang sa nasabing halaga ang P28.565-M budget para sa Human Rights Violations Victim’s Memorial Commission.

GASCON, SINISI NI DUTERTE

SINISI ni Pangulong Rodrigo Duterte si  Commission on Human Rights (CHR) Chairman Jose Luis Martin  “Chito” Gacscon makaraang pagbotohan ng 119-32  ng mga mambabatas ng Mababang Kapulungan   na pumapabor sa pagbibigay ng P1,000 budget sa nasabing ahensiya para sa taong 2018.

“Ito si Gascon, palibhasa pro-dilaw talaga, he opens his mouth in a most inappropriate way and he conducts the business of being CHR. Walang alam,” pahayag ni Duterte sa ginanap na press conference sa Libingan ng mga Bayani.

“Yan galit ang mga congressman. Ako walang akong ano galit sa kanya. Bigyan mo ‘yan ng budget. For all I care kung anong gusto niyang imbestigahan,” pahayag ni Duterte.

Dumalo si Duterte sa isinagawang paglilibing kina Army Capt. Rommel Sandoval at Pfc. Sherwin Canapi, na parehong napatay makaraang tangkain nila na iligtas ang kanilang kasamahan sundalo na kabilang sa 11th Scout Ranger Company sa patuloy na digmaan sa Marawi City.

Tinawag ni Duterte si Gascon na isang baliw dahil sa pakikialam sa mga isinasagawang imbestigasyon ng mga pulis  at ang pagbibigay ng kanyang pananaw.

“Ang gawain mo Gascon,  maghintay sila. They cannot just investigate. Wala naman silang prosecutory power,” pahayag pa ni Duterte.

Kinastigo niya si Gascon na hindi patas.

“Bantayan nila ‘yung pulis, tingnan nila. They collate. They collate. Ipunin. Then they make a study and then they file the appropriate recommendation,” pahayag pa niya.

“Pero kung makihalo ka doon sa pulis, makipagkalkal ka rin. Then pagdating doon sa opisina mo, there is a foregone conclusion already. How are you supposed to be neutral?” tanong pa ng Pangulo.

Hiniling pa ng punong ehekutibo na itikom na lang ni Gascon ng kanyang bibig.

“Ang ibig sabihin, t****. Palibhasa nga hindi nga abogado. And if you are not sure of yourself or where you stand, you might as well just maybe shut up,” sabi pa ni Duterte.

“Ngayon ‘yang 1,000 na binigay na ng Congress sa opisina niya, kasi galit ang Congress sa kanya,” dagdag pa niya.

Sa kabila ng pagkastigo ni Duterte, sinabi niya na bukas siya para pag-aralang muli ang desisyon ng Kongreso.

“Pero ako naman, since it is really an organ of government… it’s on the Constitution. Maybe someday, they might review their decision,”pagtatapos niya,  “I’m not here to destroy institutions.”

Robredo: P1,000-budget sa CHR, banta sa demokrasya

Isang banta sa demokrasya ang pagpapababa ng budget ng CHR na nagkakahalaga ng P1,000, ayon kay Vice President Leni Robredo.

“Tila pagbuwag sa CHR ang magiging epekto ng desisyong ito. Nagbabadya ito ng kawalan ng respeto sa ating Saligang Batas at sa karapatang pantao — parehong banta sa demokrasya,” ayon kay Robredo sa isang pahayag.

Ayon kay Robredo, nakababahala ng pagpapababa ng budget dahil sa malawakang patayan at mga paglabag sa karapatang pantao alinsunod sa kampanya ni Pangulong Duterte sa brutal niyang drug war.

“Lalo sa konteksto kung saan laganap ang karahasan at patayan, tunay na nakababahala ang mensaheng ibinibigay ng pagpilay sa mismong ahensyang dapat nagpapatibay ng ating mga karapatan,” pahayag pa ni Robredo.

Sa kabila ng kakarampot na budget, ipinahayag ng CHR na hindi nila tatalikuran ang kanyang obligasyon at iututuloy nila ang kanilang  adhikain na itaguyod ang karapatang pantao.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *