“TDC KINILALA AT PINURI NI KA LILING”

BALITANG DepEd
ni Ryan De La Cruz

Ang pagdating ni Kalihim Leonor M. Briones ng Kagawaran ng Edukasyon sa ikalawang araw ng National Summit of Teachers and School Administrators noong Nobyembre 17, 2017 na inorganisa at pinangasiwaan ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC) ay patunay lamang na kinikilala ni Kahilim Briones ang TDC bilang isang lehitimong samahan ng kaguruan na totoong kumakatawan sa interes ng mga pampublikong guro sa ating bansa.

Bagaman may pormal na imbitasyon ang TDC kay “Ka Liling” kung siya ay tawagin din, sa pamamagitan ng National Chairman nito na si G. Benjo Basas ay wala namang ibinigay na kumpirmasyon kung makadadalo siya o hindi. Ayon mismo kay G. Basas, nakatanggap siya ng personal na mensahe mula sa kalihim na ‘wag na lang mag-anunsyo sa mga guro kung anong araw at oras siya darating.

Kaya naman totoong nasorpresa ang mga delegadong dumalo mula sa iba’ t ibang rehiyon ng Pilipinas nang pasado alas otso na ng gabi sa ikalawang araw ng gawain ay biglang dumating kasama pa ang dalawang mataas na opisyal ng DepEd na sina Usec Alberto T. Muyot ng Legal at Legislative Affair at si Asec. Jesus Lorenzo R. Mateo ng Development and Planning.

Naging mainit at magalang ang pagtanggap ng mga guro at pamunuan ng TDC na dinatnan nina Ka Liling sa bulwagan ng Senator Renato “Compañero” Cayetano Memorial Science and Technology High School sa Lungsod ng Taguig na ikinalugod naman ng kalihim.

Sa kanyang pagtayo upang bumati at ilahad ang kanyang mensahe ay pinuri ni Ka Liling ang TDC sa ipinamalas nitong kaayusan at kahinahunan sa pagpapaabot sa kinauukulan ng mga hinaing hinggil sa iba’t ibang suliranin ng kaguruan at sinabing taglay ng mga kaanib ng Teachers’ Dignity Coalition ang mabuting katangian at Good Manners and Right Conduct (GMRC) kumpara sa pamamaraan ng iba.

Nagkaroon ng malayang talakayan at bukas na pagtanggap ng mga mungkahi’t apila sa pagitan ng kaguruan at kalihim ng kagawaran kung saan tiniyak naman ng kanyang pamunuan na lahat ay isasaalang-alang at magkakaroon ng mga susunod na pagpupulong at konsultasyon upang ang mga suliranin at mungkahing personal na ipinarating ay mabigyang pansin ng pamahalaan upang malapatan na ng kaukulang aksyon at solusyon sa lalong madaling panahon.

Kabilang sa mga natalakay ang dagdag na sweldo, mga benepisyo na dapat noon pa natamo dahil malinaw namang nakasaad ito sa Magna Carta for Public School Teachers, isyu sa utang at kung paano matutulungan ng kagawaran ang mga guro makaahon dito mula sa mga Private Lending Institution, GSIS, sistema sa pagbibigay ng aytem posisyon, promosyon, at iba pa.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *